JohnnyBet.com tl

Panayam Kasama si Patrick Kluivert

by Guillem Balagué mula sa
Panayam Kasama si Patrick Kluivert

Ibinahagi ng isa sa mga alamat sa larong football na si Patrick Kluivert ang kanyang mga kaalaman at karanasan sa isang panayam kasama ang batikang mamamahayag na si Guillem Balagué. Kilala sa kanyang panahon bilang isa sa mga manlalaro sa koponan ng Ajax at Arsenal, at ang may pinakamataas na naitala ang bilang ng goal sa EURO 2000, si Kluivert ay nagbigay ng kakaibang opinyon bilang isang manlalaro, coach at direktor sa mundo ng football. Mula sa epekto ng World Cup hanggang sa pagbibigay ng papuri sa henyong si Lionel Messi at Pep Guardiola, nagbigay ng kanyang pananaw si Kluivert tungkol sa kasalukuyang estado ng laro at pagsusuri sa takbo ng European Football ngayong 2022/23. Panoorin natin ang panayam at saksihan paano natin usisain ang utak ng isa sa pinakamagaling na manlalaro ng football sa mundo at subukan nating intindihin kung ano ang football mula sa kanyang anggulo.

Basahin nag transcription nito sa iba't-ibang wika:

Guillem Balagué:

Kamusta at mabuhay kayong lahat. Hindi ko alam kung saang dako kayo ng mundo nakikinig, pero ang susunod na panayam ay tiyak na ikatutuway ninyo sapagkat kasama ko ang isa sa mga taong lugod kong ikinagagalak na makilala. Isa siyang manlalaro ng football ngunit hindi lang ‘yon, siya rin ay nanalo ng maraming titulo kasama ang koponan ng Ajax at Barcelona, isang pangunahing miyembro ng pambansang koponan ng Netherlands, at kalahok rin ng ilang World Cups at pambansang kampeonato sa Europa. Sa katunayan, siya ang may pinakamataas na bilang ng goals sa taong 2000 sa Europa. Sa madaling salita, marami sa atin ang itinuturing siyang alamat sa larong ito. Siyempre, siya rin ay isa sa mga tagapagsalita ng JohnnyBet na isang plataporma para sa mga gustong magbigay payo para sa mga mananaya. Malugod na pagdating, Patrick Kluivert.

Patrick Kluivert:

Magandang araw. Kamusta ka na? Matagal na rin nang huli tayong nag-usap. Alam kong napakatagal na non kaya gusto kitang itama kasi nanalo rin ako ng kampeonato kasama ang PSV. Maliban dito, tama lahat ang sinabi mo.

Guillem Balagué:

Aba’y oo! Nabanggit mo nga na meron kang karasan sa iba’t-ibang posisyon sa laro. Bago natin himayin kung alin sa mga kaganapan ngayong taon ang maituturing mong natatangi, talakayin muna natin ito. Halos nagawa mo na lahat ng pwedeng gawin sa football. Mula sa literal na paglalaro, bilang isang coach at maging sa pagiging isang direktor. Anong aspeto para sayo ang talagang kinasasabikan mo?

Patrick Kluivert:

Syempre ang paglalaro. Mula sa mga araw ko doon sa Ajax kung saan ako nagsimula hanggang sa pitong iba pang koponan na naging parte ng aking buong karera. Kaya para sakin ang pagiging isang manlalaro ang pinakamasaya na aspeto. Alam mo naman, ako ay naging direktor sa Paris Saint-Germain at maging sa Youth Academy sa Barcelona. Marami na ring pagkakataon na akoy naging coach ng pambansang koponan ng iba’t-ibang bansa. Kaya sabi mo, marami na rin akong karanasan sa iba’t-bang aspeto ng larong ito. Ang masasabi ko lang ay masarap sa pakiramdam na marami kang bitbit na kasanayan sa likod mo.

Guillem Balagué:

Kaya naman mainam na pakinggan ang iyong panig hinggil sa mga kasalukuyang nangyayari sa laro dahil kaya mong magbigay ng opinyon hindi lang bilang isang manlalaro o direktor kundi bilang isang tagasubaybay din. At kung iyong titingnan, para bang ang tagal matapos ng kalendaryo ng football ngayon dahil nasa gitna yung World Cup, ano ang iyong mahihinuha ukol dito? May mga impresyon ka ba sa mga nagaganap?

Patrick Kluivert:

Una sa lahat, importanteng pag ukolan natin ng pansin ang naganap na World Cup sa gitna ng taon. Siyempre, maraming kompetisyon ang naapektuhan nito. Para sakin ang ganda ng World Cup ngayon kasi halos tatlo hanggang apat na laro ang pwede mong panoorin sa isang araw. Hindi iyon pangkaraniwan. Pumunta ako mismo doon at lubos akong natutuwa sa mga karanasan ko doon sa Qatar. Ngunit dahil nga sa sinabi ko na maraming kompetisyon ang naantala, hindi maganda ang naging reaksyon ng mga tao sa World Cup. Ganun talaga. Mayroong World Cup at kung ako ang tatanungin iyon ay nakakamangha. Ngunit dahil dito may mga liga na natigil. Alam naman natin na kahit maganda ito para sa iba, mayroon din namang hindi natutuwa sa nangyari.

Guillem Balagué:

Bago tayo lumayo sa usapin ng World Cup, masasabi mo ba na ang naganap na kampeonato..sasabihin ko talaga…medyo kontrobersyal ang sasabihin ko… na ito ang pinakamahusay na tagisan na nakita mo? Masasabi mo ba iyon?

Patrick Kluivert:

Yung kampeonato?

Guillem Balagué:

Oo.

Patrick Kluivert:

Aba’y oo, talagang napakahusay yung huling yugto. Sa tingin ko iyon ang pinakamagandang laro na napanood ko hindi lang dahil sa mga manlalaro ng dalawang koponan, ngunit dahil din sa resulta ang kung paano umusad ang laro.

Guillem Balagué:

Pumunta ka ba mismo doon sa World Cup?

Patrick Kluivert:

Oo nandun ako sa finals.

Guillem Balagué:

Halos nakita mo na lahat ng pwedeng makita sa football at marami ka ng ipinagbunyi na mga bagay-bagay. Marami ka naring iniyakan. Kung ika’y isang tagahanga, yung tipong nanonood ka lang, nakikita mo yung mga nakikita namin sa istadyum, anong nararamdaman mo? Nagiging emosyonal karin ba tulad ng iba? Tumatalon-talon kadin ba o tahimik mo lang na sinusuri ang laro?

Patrick Kluivert:

Sa totoo lang, pareho, kasi kung iyong iisipin, na kung iyong titingnan ang laro doon, ito’y napakagandang torneo at halos hindi kapanipaniwala ang huling yugto. Alam mo ang ibig kong sabihin. Tatlong goal ang nagawang maiskor ni Mbappé. Si Messi naman ay nagawa ng punan ang kanyang nalalabing karera kasama ang pambansang koponan ng Argentina, naipanalo niya ang Copa América at maging ang World Cup. Ang ibig kong sabihin ay paikot-ikot ang nangyari dun kay Messi dahil sa talaan ng iskor na pabaling-baling. Talaga, grabe ang saya mula umpisa hanggang dulo. Sa tingin ko halos mabaliw na yung mga tagahanga ng bawat koponan. Ito talaga ang pinakamagandang laban sa taong ito.

Guillem Balagué:

At saan ka naman panig sa debate na kinumpirma ng World Cup na ito na si Messi ang pinakamagaling na manlalaro sa buong mundo?

Patrick Kluivert:

Oo ‘yan din ang iniisip ko. Syempre sa panahon ko noon mayroong Maradona, Pele, Cruijff at iba pang mga bigating pangalan. Ngunit kung titingnan mo, sa buong paggalang sa iba pang mga dakilang alamat, ang mga nakamit ni Messi – pitong Golden Balls, hindi mabilang na tropeyo sa Champion’s League, World Cup, Copa América. Napanalunan na niya lahat ng pwedeng ipanalo ng isang manlalaro ng football at iba pang mga papremyo ng pitong beses o maging yung iba pang mga papremyo. Sa tingin ko, si Messi ay isa sa pinakamagaling na manlalaro kung hindi man ang pinakamagaling kailanman.

Guillem Balagué:

Talagang lubos na nakakatuwa na mapasama sa henerasyon kung saan napanood nating dalawa ang ganun karaming laro. Sa tingin ko meron din ibang manlalaro na umuugong ang pangalan mula sa bangko. Iyon ay si Pep Guardiola. Nasa rurok din ngayon ng kasaysayan ang Manchester City. Ano sa tingin mo sa Manchester City at ang magiging papel ni Pep Guardiola?

Patrick Kluivert:

Mahusay, hindi lang ngayon ngunit sa nakaraan din. Siyempre, alam naman nating lahat na kalunos-lunos ang nangyari sa Arsenal na laging nangunguna sa puntos nang sa huli ay matalo ito ng Manchester City sa kampeonato. Alam ng lahat na magaling na coach si Pep. May kakayahan din siyang gumawa ng sarili niyang koponan. Sapat ang kanyang pera na bumili ng mga manlalaro at mayroon siyang pananaw kung anong klase ng manlalaro ang kailangan ng kanyang koponan upang makumpleto ito sa pinakamahusay na paraan. Sa tingin ko hindi lang ito ginawa ni Pep sa Barcelona, ngunit sa Bayern Munich rin at ngayon sa Manchester City naman sa mahabang panahon. Ohh...'Chapeau'. Kailangan bigyan mo ng pugay si Pep dahil kaya niyang ilabas ang totoong potential ng bawat miyembro ng kanyang koponan. Ang ibig kong sabihin, kapag may papasok na kahalili, yung taong yun ay halos kasing lebel pa rin nito ang kanyang papalitan. Iyon ang para sa akin isang marka ng magaling na coach. Alam mo naman ang sinasabi ng iba, kaya mong Manalo kapag magaling ang iyong mga bangko, hindi lang ang labing-isang nauna. Kailangan mo ng 23 manlalaro sa lebel na ito, lalo na sa England, na kailangan mong maglaro ng 38 beses at may FA Cup pa na mas marami ang bilang ng laro. At kahit na nasa Champions League ka pa, marami ka paring kakalabanin doon. Ang pinakamababang bilang ata ay nasa 60 na opisyal na laro para sa iyong koponan at kaya kailangan mo ng malakas na koponan katulad ng kung anong meron ngayon si Pep.

Guillem Balagué:

Gusto mo bang maging coach si Pep Guardiola? Matutuwa ka ba kapag nangyari ito sayo?

Patrick Kluivert:

Syempre naman. Alam ko noon pa, kasi nakalaro ko na siya sa panahon name, na siya talaga ay may angking talento sa pagco-coach. At para sakin, bilang isang manlalaro, talagang gugustuhin kong maglaro sa ilalim ng patnubay ni Pep Guardiola.

Guillem Balagué:

Sinabi mo na nga kung anong kakaiba at espesyal sa kanya. Sa totoo lang nakakamangha na kaya niyang kumbinsihin ang lahat ng kasali na may karapatan silang mapasama doon, sa unang labing-isa. Kitang-kita naman na may maraming mahuhusay sa kanyang koponan, ngunit ano pa sa tingin mo ang iba at bukod-tangi sa kanila?

Patrick Kluivert:

Syempre naman, nakapag laro na siya sa ganun kataas na lebel. Alam na niya ang laro. Alam na niya kung ano ang tumatakbo sa isip ng mga manlalaro, at sabi mo nga – mayroon siyang 23 na manlalaro ng isa sa mga pinakamahusay sa liga. Alam din niya paano buhayin ang pangkat at panatilihing masaya ang lahat. Ay yun ang klase ng coach na nakapag laro na sa lebel na iyon. Tsaka, alam na ng kanyang mga manlalaro na noon pa man ay para na siyang nasa orchestra, isang pinuno na kayang sabihin it ipabatid ng maayos kung ano ang kailangan niya sa kanyang mga manlalaro. At kung lahat ay naglalaro ng halos sandaang porsyento sa buong taon, may nakikita ka talagang resulta. At makikita mo naman ito sa kanya at sa kung paano tratuhin ng mga manlalaro ang isa’t-isa. Sa tingin ko para makamit ang ganoong klase ng samahan, yung parang isang koponan lang kayo na katulad ng nagawa ni Pep, iyon ang espesyal sa kanya.

Guillem Balagué:

Malamang maaga pa para itanong ko ito, dahil kailangan pa natin makita kung ano ang gagawin ng mga manlalaro hinggil sa kanilang mga katunggali, pero may nakikita ka na bang may potential na makamit ang lebel na katulad ng Manchester City o sa tingin mo, sa Premier League, kakayanin ba ulit ng Arsenal ang hamon? Kaya bang mas mapalapit pa ng Manchester United? Meron sa ba sa dati mong koponan – ang Newcastle, na kayang kalabanin ang Manchester City? O talagang imposible silang pigilan?

Patrick Kluivert:

Siyempre nasa Manchester ang koponan at pilosopiya ngunit sa totoo lang ang ibang koponan ay papalapit na at halos kumakatok na sa pintuan. Sabi nga natin diba, muntik nang maipanalo ng Arsenal ang kampeonato sa England. At sa tingin ko, sa susunod na taon ay nandun pa rin sila. Siyempre, maganda din ang ginawa ng Newcastle sa kanilang koponan. Kung titingnan mo ang buong koponan, wala kang makikitang hindi kayang magningning sa kanila. Wala, talangan iisa lang sila bilang koponan at iyon ang gusto kong Makita. Talagang malakas sila, sobrang lakas. Sana sa susunod na taon ay makabawi ang Chelsea kasi masyadong kalunos-lunos ang nangyari sa kanila sa taon na ito.Kalimitan may kailangan talagang gawin ang Chelsea, Arsenal, Newcastle at Liverpool dahil kung hindi talagang patuloy lang sa paglipad ang Manchester at paghahakot ng papremyo. Pero sa tingin ko sa susunod na taon, sa dami ng malalaking koponan sa Premier League, ay may iba talagang papahirapan ang buhay ng Manchester United. Kailangan din husayan ng husto ng Manchester United at sa tingin ko alam naman nila ito. Kaya alam mo, sa susunod na taon, talagang interesado akong makita kung ano ang gagawin ng ibang koponan upang tumbasan ang lakas ng Manchester City.

Guillem Balagué:

Namangha ka ba sa ginawa ng kaibigan mong si Erik ten Hag at Manchester United at kung paano nila ginawang solido ulit ang buong koponan?

Patrick Kluivert:

Oo ako ay lubos na namangha. Siyempre, alam naman ng lahat kung anong klaseng pahirap ang dinanas nila sa simula, pero nagawa niyang ipilit ang kanyang pamamaraan sa buong club. At ngayon, lahat ng manlalaro ay nararamdaman na ulit ang pagkakaisa at sana maganda ang kanilang maging laro sa susunod na taon.

Guillem Balagué:

Dumako naman tayo sa ibang mga bansa at pag-usapan natin ang Spain, kung saan ang pinakamamahal mong Barcelona ng nanalo sa liga sa pamumuno ng taong alam kong malapit mong kakilala sa si Xavier Hernández siyempre. Simulan natin kay Xavi. Napag-usapan na natin si Pep na alam mong magiging manedyer. Si Xavi din ba? Nasabi mo rin ba sa sarili mo na, “Aba’y oo, magiging manedyer din siya”.

Patrick Kluivert:

Syempre nasa gitna ako pagdating sa dalawang iyon, kasi si Pep ay medyo matanda sakin habang si Xavi naman ay medyo bata. Pero pareho kaming nakapaglaro sa ilalim ng parehong koponan. Alam mo naman na si Xavi ay parang kahalili ni Pep sa parehong posisyon. Nakita ko na nuon pa na may isipang pang-manedyer si Xavi noon pa kahit bata pa siya. Makikita mo naman sa kanyang ipinamalas na galing, na kahit kulang-kulang ang bilang ng manlalaro na gusto niya para sa koponan ng Barcelona ay naging maganda parin ang ginawa niya para dito. Kahit di gaano kaganda ang naging resulta sa Champions League, napakahusay naman ang nagawa niya para sa koponan ng magawa niyang ipanalo ang kampeonato sa Spanish League. Talagang sobrang husay.

Guillem Balagué:

Nagulat ako sa lakas ng kanilang depensa, pinakamahusay na depensa sa buong Europa, at ang laki ng agwat ng kanilang atake sa Barcelona na nakita natin noon. At yun ang nakapag panalo sa kanila sa liga, nagulat ka ba kung paano niya nagawa iyon?

Patrick Kluivert:

Aba’y oo naman, sa gitna pa ng season, at kung kailan pa umalis si Piqué. Napakalaki ng epekto noon sa koponan kasi alam naman ng halat ang mga katangian ni Gerard. At sa tingin ko, sa tulong ni Christensen at Araújo sa gitna, masyadong magaling ang kanilang panharang sa tulong narin ni Koundé at Alonso na kasali na rin sa koponan ngayon. Mayroon sila na balanse sa depensa sa parehong kanan at kaliwang posisyon ngayong nandoon na si Balde na kayang maglaro sa dalawa. Talagang solido ang kanilang koponan dahil mga bata pa sila, mabilis at malakas. Sa tingin ko maganda talaga ang kanilang balance at kung titingnan mo ang depense at sa midfield naman na opensa, sa tingin ko ang koponan ng Barcelona at talagang maganda ang balanse, at yan ang gawain ng isang coach. Ito ang coach na ginawa ang kailangan niyang gawin ang kung ano ang kailangan ng kanyang koponan. Ang resulta, naipanalo nila ang kampeonato.

Guillem Balagué:

Kailangan kong manghula dito. Halata naman na napag-usapan natin ang midfield at depensa na sa isip ni Xavi ay kailangan talaga nila ng mas malakas pa na mga manlalaro sa harap. Marami naman silang magagaling na manlalaro, pero ang kanyang pagkabaliw na makuha si Gündoğan o Bernardo Silva ay dahil nararamdaman niyang, kung wala si Pedri, may kakulangan talaga sila pagdating sa pagpasa. Hindi ko alam kung sang-ayon ka ba pero parang iyon ang gusto niyang pagbutihin sa susunod na taon.

Patrick Kluivert:

Syempre si Pedri ay isang napakahusay na manlalaro. Pero meron na sila ngayong Frenkie de Jong, Gavi, at iba pang mga batang manlalaro. Pero kung kailangan mo talaga silang palitan, ibang usapan na pagdating sa Manchester City. Oo, naiintindihan ko na gusto nyang mas gumanda pa ang kanilang midfield. Ngayong wala na si Busquets. Talagang malaking sampal iyon sa kanila. Sa tingin ko kailangan makakuha ng Barcelona ng magaling na midfielder at apat o lima pang manlalaro sa midfield na kayang maglaro ng tatlong posisyon.

Guillem Balagué:

Sa ngayon, meron silang Lewandowski, na kita naman sa unang kalahati ng taon ay ubod ngaling. Nagawa niyang bumagay ng husto ngunit sa natitirang kalahating taon ay medyo nahihirapan siya. Sa tingin mo siya ba ang kailangan ng Barcelo para sa pang siyam na posisyon at ano kailangan niyang paghusayan pa para gumaling sa laro?

Patrick Kluivert:

Sa tingin ko naman ay isang napakahusay na manlalaro si Lewandowski. Hindi naman palaging madali kapag lilipat ka sa bagong koponan at umiskor at tumulong para makakuha ng goals. Para sa tingin napakahusay ang ginawang pakikisama ni Robert. Marami siyang na iskor na goals. Sa tingin ko isa siya sa pinakamagaling na iskorer sa kompetisyon pero depende pa rin ito kung paano siya makakakuha ng bola. Alam naman natin na isa siyang striker at hindi niya kayang gawin ang lahat ng mag-isa. Makikita naman kung gaano siya kahusay at akma sa koponan ng Barcelona ngayon, mula sa kung paano siya makisama at kung paano niya nagagawang umiskor ng napakarami para sa kanila.

Guillem Balagué:

​​Sa tingin ko kaya mong umiskor ng higit pa sa dalawampu’t lima gamit ang kasalukuyang koponan ng Barcelona. Natatandaan ko kasi magaling kang kumonekta, tumakbo kung saan-saan at bawat galaw mo ay napakahusay, na siyang ginagamit na pagkakataon ng iba mong kasamahan. Sa tingin mo kaya mong magtala ng ganung bilang ng goals kasama ang koponan ng Barcelona ngayon?

Patrick Kluivert:

Siyempre, kung titingnan mo ang koponan, baka mga 20 hanggang 25 ang kaya ko (sabay tawa)

Guillem Balagué:

Oo, walang duda (tumawa)

Patrick Kluivert:

Walang duda (tumawa)

Guillem Balagué:

Ang karibal nila sa La Liga, ang Atletico Madrid, ay masyadong maagang nalaglag kahit na napakalakas ng kanilang koponan at magaling din ang kanilang pinakita sa pangalawang kalahati ng taon. Hindi ko lang alam, pero kung magpapatuloy sila sa ganitong istilo na mas pinapaboran ang opensa, sa tingin mo may tsansa ba sila sa titulo o kaya ipanalo ito sa susunod na taon?

Patrick Kluivert:

Katulad nga ng sinabi mo, mukhang desido na nga sila rito. Ang ibang katunggali naman nila tuload ng Barcelona, Madrid, Atlético at Bilbao ay malalakas din na koponan. Sa tingin ko kaya naman nila. Maganda at solido ang kanilang koponan. Matagal na silang magkasama sa laro. At halos bawat taon ay isa sa mga inaasahang manalo sa liga. Pero sa tingin ko mas lalo pang gagaling ang mga manlalaro ng Real Madrid sa susunod na taon at maging ang Barcelona. Kaya naman ang sarap tingnan ang tatlong to na maglaban-laban palagi para sa kampeonato.

Guillem Balagué:

Ang sabi ng Real Madrid na kaya nilang ipanalo’t lahat-lahat pero biglang kinapos sila at sadyang binago na usapan papuntang transisyon. Yan ang kanilang ginawa at binago na pawang mga mas batang manlalaro ang kanilang pinapasok. At kung titingnan mo, totoo naman ito para kay Valverde, Tchouaméni, Rodrygo, Vinícius, Camavinga, at Jude Bellingham. At mukhang tapos nang mag transisyon ang Real Madrid. Sa tingin mo kaya ba ng koponang ito na manalo gamit ang mga mas batang manlalaro at unti-unting burahin ang henerasyon ni Kroos at Modrić?

Patrick Kluivert:

Syempre hindi naman mawawala ang henerasyon ni Kroos at Modrić. Kung titingnan mo yung dalawa, hindi sila masyadong nakapaglaro sa kompetisyong ito. Kung bibigyan naman sila ng pagkakataon, makikita mo naman ang kalidad at galing ng kanilang istilo na kaya nilang ibigay sa koponan. Kaya sa tingin ko magiging parte parin sila ng koponan. Siyempre, kung pupunta si Jude Bellingham sa Real Madrid, kailangan nila maglaan ng posisyon para sa kanya dahlia siya ang bagong henerasyon at maging lahat ng mga pangalan na iyong nabanggit - Tchouaméni, Camavinga, Vinícius, Rodrygo. Ang koponan na ito ay ubod ng husay at talagang may kalidad. Bata sila kaya maglalaro pa sila ng halos, apat, lima, o kahit anim pa kasama ang isa’t-isa. Ang Real Madrid ay Real Madrid. Bilang isang taga Barcelona, mahirap aminin na talagang magaling ang kanilang koponan.

Guillem Balagué:

Napag-usapan natin si Jude Bellingham. Talagang kapanapanabik ang maari niyang gawin dito sa La Liga bilang kakaibang tipo ng midfielder dahil siya ang pinakamagaling na manlalaro sa Bundesliga. Sa katunayan, binoto nga siya bilang pinakamagaling na midfielder doon. Talagang nasa sa kanya na ang lahat ng kailangan niya upang magtagumpay sa Real Madrid, tama ba?

Patrick Kluivert:

Alam naman natin na kapag napapaligiran ka ng mga magagaling na mga manlalaro, mas lalong gagaling ang iyong istilo ng paglalaro. At napakahusay ang kanyang ipinamalas sa Borussia Dortmund. Para sa akin, kung ikukumpara mo ang Dortmund at Real Madrid, mayroong apat na mas magaling na manlalaro ang Real Madrid kesa sa Borussia Dortmund. Sa tingin ko siya ay perpekto para sa Madrid.

Guillem Balagué:

Pumunta naman tayo sa Italy at para bang galling sa isang romantikong nobela ang pagkapanalo ng Napoli ngayong taon. Hindi ko alam kung nakapunta ka na ba sa Napoli pero dalawang buwan bago matapos ang taon, sila ay nagdiriwang parin. Ang buong syudad, lahat ng bagay, ay nag kulay asul at puti dahil talagang desperado na sila na makamit ang ‘Scudetto’. Alam ko, siyempre, naging karibal niyo ang Napoli sa loob ng maraming taon. Ano ang naramdaman mo ng manalo sila at sa paraan kung paano sila nanalo?

Patrick Kluivert:

Siyempre, sa tingin ko ang galing ng ginawa nila pagkatapos ng napakatagal na panahon na walang kampeonato. Para sa kanila, parang nanalo na sila sa Champions League. At sa paraan kung paano nila nakamit ito, lalo na ang dalawang manlalaro na sila Osimhen at Kvaratskhelia. Kung titingnan mo ang estadistika ng kanilang koponan, halos 70 o 80 porsyento ng goals at assists ay galing sa kanilang dalawa. Talagang mahusay ang dalawang iyon. Halos magkahawig na sila ng Newcastle. Ang buong koponan ay solid at buong-buo, ipinaglaban nila ang bawat yugto ng laro. Nang nagawa nilang ipanalo ang mga importante laro laban sa mga malalaking koponan, lumakas ang kanilang loob at dito nagsimula ang kanilang kagustuhang makuha ang kampeonato. At talagang napakahusay ang ginawa nila. Alam kong lahat ng mga tagahanga ng Napoli ay tuwang-tuwa. Kung titingnan mo kung paano nila ipinagdiwang ang kampeonato, talagang makikita mo kung gaano nila ito kagusto. Nararapat lang talaga na sila ang nanalo ng kampeonato.

Guillem Balagué:

Bilang isang tagahanga ng larong football, ano ang masasabi sa sinabi ni Luciano Spalletti na, “Kailangan kong umalis, kailangan kong magpahinga. Aalis ako nang isang buong taon at wala akong gagawin.” May posibilidad pa sana na hindi lamang magdiwang ng isa pang taon at hamunin uli ang titulo, kundi pati na rin ang pagsali nila sa Champions League. Sabi niya umalis siya dahil sa stress na dulot nito sa kanyang katawan at isipan. Naiintindihan mo ba ang sinasabi niya?

Patrick Kluivert:

Siyempre, siya lang nakakaalam kung ano nararamdaman niya at sa tingin ko nakikinig siya sa katawan niya. Napakahirap ng taong ito kahit na naipanalo nila ang kampeonato. Baka masyadong napagod ang kanyang puso. Isa lang ang iyong puso. At syempre, bilang siang coach, kapag nakamit na ninyo ang kampeonato at gusto mo agad maglaro sa Champions League. Iyan ang natitiyak ko. Pero hindi naman niya ginawa ang desisyon na iyon nang walang dahilan. Alam niya kung ano ang estado ng kanyang katawan, at malamang nagtrabaho siya ng maigi para makuha ang gusto niyang makuha ngayon. At baka dahil dito, alam niyang hindi na niya magagawang makuha ang mga gusto pa niyang makamtan ngayong taon. Medyo nakapagtataka pero sabi ko nga, alam niya kung anong sinasabi ng kanyang katawan at malamang pinakinggan niya ito.

Guillem Balagué:

Tiyak na napakahirap magbitiw sa estado ng mga bagay ngayon, pero baka may nagsasabi sa kanya na kailangan na talaga niyang tumigil. At alam kong mahirap at kailangan ng tapang upang magawa niya na ang desisyong iyon.

Patrick Kluivert:

Sa tingin ko, sa posisyon niya ngayon, walang kayang gumawa noon maliban sa kanya.

Guillem Balagué:

Mayroong tatlong koponan ngayon ang Italy para sa finals. Natalo ang Roma sa Europa League, Fiorentina sa Conference at syempre ang Inter sa finals ng Champions League. Kailangan nating pag-usapan ito para sa mga kaibigan kong Italyano. Sabi nila “ Ito na ang muling pagkabuhay ng Italian football at mananaig ito sa marami pang darating na taon”, at napaisip ako na parang sadya talaga ito. Kaya ano ang opinyon mo sa debateng ito?

Patrick Kluivert:

Una sa lahat, hindi mo pwedeng ipagwalang bahala ang tatlong koponan na iyon. Nararapat lang na makarating sila sa finals. Alam ng lahat kung ano ang “Catenaccio”- ito ay klase ng depense kung saan hindi ka bibigyan ng pagkakataong gawin ang opensa. Nakita natin iyon. Nakita natin ito sa finals ng Europa League. Magaling depensa na ginawa ng Rome, ngunit, alam mo, ang kanilang mga manlalaro sa harap tulad nina Dybala at Abraham, na kayang umiskor sa anumang sitwasyon, pati na rin ang ginawa ni Paulo, siyempre.Marahil dahil din ito sa sistema kung saan pwede silang maging agresibo sa opensa. Kaya hindi ko sasabihin na hanggang doon na lang ang kanilang sistema. Pero gaya nga ng sinabi ko, tatlong malalaking koponan ang kasali sa tatlong ibat-ibang finals sa loob ng Europa kaya baka nagising na sila at tiyak sa susunod na taon ay nandoon parin sila. Pero tulad mo meron din akong alinlangan.

Guillem Balagué:

Gusto ko sanang ipaglaban ang aking opinion kasi karugtong nito ang susunod kong tanong. Malinaw na ngayon na ang mga magagaling na manlalaro sa Serie A ay masyadong mababa ang sahod kung ikukumpara mo doon sa mga naglalaro sa Premier League at makukuha pa nila ang interes ng mga koponan sa Premier League. Kaya aasahan na natin na aalis talaga ang mga talent doon at tiyak na hihina ang ibang koponan. Maaring magandang kombinasyon lang talaga ng magagaling na manlalaro, mahuhusay na coach, magandang kampanya at maparaang mga koponan na talagang akma sa bawat isa. Lahat ng mga nangyaring ito ay sabay-sabay at tila ba ang daling hulaan ng European Football at ang mga koponan na tulad ng Ajax, Club Brugge, Anderlecht, Celtic at Rangers ay hindi kayang makipagsabayan sa mga magagaling doon sa Champions League. Sa tingin mo kailangan ba natin itong baguhin o tanggapin nalang natin kasi ito na talaga ang kalakaran simula ngayon?

Patrick Kluivert:

Sa tingin ko sa mga nabanggit mo na mga koponan – Ajax, Club Brugge at iba pa, talagang hindi mo maikukumpara ang pera na meron sila sa Premier League. Ang Italy ay may iilan na mga manlalaro, katulad ng sinabi mo, kapag yung mga de kalidad na mga manlalaro ay aalis, aalis sila para sa mas malalaking hapon, marahil papunta sa mga mas malaking koponan kasi yun din ang kayang ibigay nila. Tinitingnan din nila ang mga pinakamahusay na mga manlalaro na nasa finals at maging ang mga madiin na laban ng bawat koponan. Sa tingin ko kapag nawala yung mga pinakamagaling na manlalaro ng Italy at maging sa mga Dutch na koponan, talagang hihina ang kanilang pangkat at ang mga bagong koponan na makakakuha sa mga manlalarong iyon ay talagang lalakas. At iyan ang siklo na meron tayo ngayon. Kung hindi masisiyahan ang mga malalakas na manlalaro sa kanilang sahod, talagang lilipat sila sa ibang bansa na kayang tumbasan ang gusto nilang sahod at magdedesisyon silang tuluyan ng lumipat.

Guillem Balagué:

Napag usapan na lang din natin ang mga manlalaro, bilang isang taong nasaksihan ang Cristiano Ronaldo at Messi na dekada na halos umabot ng 15 taon, naniniwala ka ba na ang susunod na dekada ay magiging Haaland, Mbappé, Vinicius? Sa tingin mo ang tatlong iyon ang maglalaban para sa Ballon d'Or?

Patrick Kluivert:

Siyempre isa sa kanila ang mananalo ng Ballon d'Or. Sa ngayon, silang tatlo ang pinakasikat na manlalaro sa European football at magin sa kani-kanilang mga pambansang koponan. Andon na sila. Magaling sila. Kaya sang-ayon ako na silang tatlo ang magiging mukha ng susunod na henerasyon. Pero sa tingin ko may iba pang mga manlalaro ang mapapasama sa kanila.

Guillem Balagué:

Paano naman ang mga bagong sibol na talento sa football? Napag-usapan na natin si Pedri, Jude Bellingham, Kwaracchelia, at nabanggit mo rin si Musiala at Bukayo Saka. Sino ang sabik mong panoorin sa kanila? Paano naman si Justin Kluivert?

Patrick Kluivert:

Aba’y talagang mahusay ang anak ko. Malas lang at nasaktan siya sa laro niya mga ilang linggo na ang nakararaan. Pero ngayon sa tingin ko, sa tuwing naglalaro siya, mas nagiging mabilis ang kanilang koponan. Talagang matulin siya pagdating sa pag-iskor ng goals. At syempre, may mga bago pang talent na paparating. Bellingham, sabi ko nga, Bukayo Saka. Pero para sakin, si Musiala ay isang napakahusay na manlalaro. Gustong-gusto ko siya at kung paano niya nagagawang lusutan ang mga mahihirap na sitwasyon. Talagang dapat niyo siyang panooring sa susunod na taon kasi alam kong tiyak na mapapasama siya ulit sa paunang labing-isa na maglalaro. Alam kong masyado pa siyang bata pero para sa akin siya ay napakahusay.

Guillem Balagué:

Patrick, tulad ng dati, talagang nakakatawa kang kausap. Maraming salamat.

Patrick Kluivert:

Maraming salamat din sa iyo.

Maraming salamat sa aming ambassador na si Patrick Kluivert para sa panayam na ito at sa aming partner, 1XBET, kung saan pwede mong gamitin ang eklsusibong 1xBet Promo Code 2024 para ma-enjoy ang kanilang mga offers.

comment PanayamKasamaSiPatrickKluivert
Comments (0)
Maglaro nang responsable 18+